Tulad ng iba pang genre sa pelikula, ang komedya ay isang sining sa kanyang naturalesa. Sabi nga nila, mahirap patawanin ang mga Pilipino. Sa mga audiences sa buong mundo, ang Pinoy ang napakahirap aliwin bunga marahil ng ating pagiging likas na mapuna sa bawat gawi at kilos ng kapwa tao. Mayroon ding mataas na pang-unawa sa sining ang bawat Pinoy, kaya naman, hindi naaaliw basta basta ang Pinoy. Dahil bukas ang diwa ng Pinoy sa iba't-ibang uri ng aliw, ang isang eksenang nakaka-aliw, para sa Pinoy, ay tunay na nakaka-aliw.
Sa mga pelikula ni Dolphy, makikitaan ito ng isang malalim na pag-atake sa mga eksena. Mararamdaman mo na pinag-isipang mabuti ang bawat pelikula, hindi tulad ng mga pelikulang komedya sa kasalukuyan na sumasalalay sa pisikal na kaayuan ng aktor upang makapagpatawa, o kaya'y kinakasangkapan ang kanilang kasarian upang makapagpatawa.
Ang estilo ni Dolphy ay bunga pa ng kanyang malalim na pag-unawa sa mga taktika ni Charlie Chaplin, isang komedyanteng nabuhay noon pang walang diyalogo ang mga pelikula. Kinukuhang makapag-aliw ni Chaplin sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kilos at galaw ng mukha. Situational, ika nga ang mga eksena, at dahil pinag-isipang mabuti at malalim, ang bawat eksena'y nakakapagdala ng likas na aliw sa mga manonood.
Pinag-aralang mabuti ni Dolphy si Chaplin. Kaya naman, ang kanyang mga galaw na nakaka-aliw ay lumalabas na natural pagdating sa lona. Gayundin naman, sa paggamit ng mga karakter na makakasama sa kanyang pelikula, ito'y pinagisipan at hindi lamang dahil sikat o kaya'y paborito ng direktor.
Nakaka-aliw ang mga ordinaryong eksenang kinasangkutan ni Dolphy sa kanyang mga pelikula dahil nagiging instrumento ito upang matanto natin ang ating sariling mga nakatatawang karanasan. Kitang kita natin ang ating mga sarili kay Dolphy. Kaya naman, isa si Dolphy sa mga batikang artistang hindi kailanman mawawala sa diwa at isipan ng madlang Pinoy.
0 comments